Apat na Pantig

(December 26, 2011 at 8:15pm)

Tangina this! Laging yan ang tumatakbo sa isip ko. Ay teka. Sorry, asan nga pala ang manners ko? Ako nga pala si Moricio. Di ko na sasabihin kung ano ang apelyido ko. Di naman importante yun. Mas kilala ako sa tawag na Moymoy kung gusto mo ng mas kumpleto, Moymoy Palaboy. 10 taong gulang na ako at kakaluwas lang namin mula probinsya. Nakahanap kasi si inay ng trabaho dito sa Maynila. O siya... Di ko na ikukwento lahat ng nangyari sa buhay ko. Eto na lang, lagi lang sumasagi sa isip ko ang mga katagang tangina this. Di ko rin alam kung bakit. Di naman ako yung tipong nagmumura. Pramis. Peksman. Maubos man ang uban ni lolo sa ulo.



Ayokong magmura kasi sabi nga ni nanay, masama yun. Ewan ko ba kung bakit pero pag bata ka, lahat ng sinasabi ng magulang mo ay tila ba isang utos ng Diyos na dapat sundin nang walang pag-aalinlangan. Basta tungo lang ng tungo. Ni minsan, di ako nagsalita ng bad word. Pero yun nga, di ko mapigilan ang pag-isip ng masama sa kapwa. Minsan minumura ko sila sa utak ko o kaya pinagsasasaksak. Okay lang naman siguro yun. Matino naman akong bata at di ko kayang gawin yun nang aktwal dahil takot ako sa dugo at higit sa lahat, takot ako sa dos por dos ni inay.

Eto pa ang isa kong maibabahagi tungkol sa akin, kakambal ko rin ang malas. Lagi na lang sa bawat oras na nabubuhay ako sa mundong ito, lagi na lang may sakunang nangyayari sa akin. Ewan ko rin nga ba kung bakit. Wala naman akong balat sa puwet. Siguro pinaglihi ako ng nanay ko sa sama ng loob kaya ako nagkaganito. Nilayasan kasi kami ng tatay ko. Sabi ng nanay ko, nanlalake raw. Oo, tama ang pagkakasabi ko. "Nanlalake" raw ang tatay ko sabi ni nanay. Di ko na siya tinanong pa kung totoo nga na nanlalake nga ang itay. Basta ang alam ko weak siya. Tangina this. 

Maraming kamalasan ang nangyari sakin at iilan lang to sa mga yun.

Agosto 10, 2010:

Grade 4 ako nung naganap to. Ito ang araw na nagkagusto ako kay Mikayla. Mikmik ang tawag sa kanya ng mga kaibigan niya. Simple lang siya kung ako ang tatanungin pero kung iba ang magsasabi, di kagandahan. Di ko alam kung bakit ba ako nainlab sa kanya. Simple lang naman kasi ang ginawa niya. Inabutan niya ako ng lapis nung napudpod na yung lapis na binili ni inay nung nakaraang buwan. Pwede ko raw hiramin yung kanya kasi nakakaawa naman daw yung akin. Kumbaga ang ordinaryong Mongol na lapis ay si Ogie Alcasid, and akin ay si Dagul. Tangina this. Nag-alinlangan pa akong hiramin yung kanya kasi pambabae. Hello Kitty pa yung design pero di na ako nag-atubili kasi eksam namin ng araw na yun. Pero ng mga sumunod na araw, sa twing makikita ko siya pag papasok ako, bumibilis ang tibok ng puso ko at sabay nun ay ang pagsambit ng utak ko na tanginathistanginathistanginathistanginathis. Tinamaan na ata ako. Tangina this.

Pebrero 14, 2011:

Aamin na sana ako ng araw na to kaso andaming malas na nangyari. Antagal kong pinaghandaan ang araw na to. Mga isang bwan siguro. Nagsulat ako ng isang napakahabang liham para sa kanya at aminin na crush ko siya. Hihi. Ambaduy man para manggaling sa lalaking tulad ko pero kinikilig talaga ako pag iniisip ang mga ganitong bagay at lalo na si Mikmik. At isang buwan rin bago mangyari tong araw na to, araw-araw akong nag-iiwan ng maliit na papel sa upuan niya kung san nagsusulat ako ng isang dahilan kung bakit niya ako napapasaya. Pumapasok pa talaga ako nang maaga para walang makakita maliban kay titser. Pero tangina this. Nung araw na to, umulan nang malakas at wala akong payong noong papasok ako sa aming paaralan. Pagdating ko sa classroom, ayun, basang-basa yung liham na matagal kong sinulat. Basag na basag rin ang porma ko lalo na ang puso ko. At mas masakit pa run, may taga-ibang class ang nagbigay sa kanya ng flowers. Di ako nakapag-ipon ng pambili ng ganun para sa kanya kasi sakto lang ang binibigay ni nanay para sakin at di rin naman ako pwedeng mamitas sa kapitbahay namin dahil malamang hahabulin ako ng itak pag nahuli ako. At ang mas basag pa run, boypren na niya pala yung mula pa last month. Tangina this level 100. Tanginathistanginathistanginathistanginathis.

May 25, 2011:

Binilhan ako ni nanay ng bagong tsinelas. Ang ganda. May nakaprint na Transformers at kulay blue. Ang astig talaga. Binilhi pa niya yun sa mall. Ako na ata ang pinakamasayang bata ng mga panahong yun.Ang kaso, kinabukasan, niyaya ako ni inay na samahan siyang mamalengke. Sumama na ako sa kanya para man lang magpasalamat sa binigay niya saking tsinelas. Pero eto ang malas dun, maputik pala sa palengke at maputik rin ang daan papunta dun dahil sa ulan. Tangina this. Putik-putik ang tsinelas ko. Tangina this talaga. Ang dating si Optimus Prime na napakagandang truck ay mukha na ngayong truck ng basura. At ang mas nakakalungkot dun, naapakan ng isang mamang maton na nagbubuhat ng baboy sa palengke ang nakaapak sa likod ng tsinelas ko habang naglalakad. Ayun malamang sira yung tsinelas ko. Di ako umiyak ng mga panahong yun pero as usual, paulit-ulit na namang nagsasalita ang utak ko sa pagsabi ng tanginathistanginathistanginathis.


O siya, hanggang dito na lang muna ang mga kwento ko. Saka na lang ulit. Sa susunod na tangina this.

No comments:

Post a Comment